Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya!

Magbenta ng buko sa Metro Area; may income na, nakatulong ka pa!

Author: DA-AFID | 13 March 2019

Gusto nyo’ng kumita?

MAGBENTA NG BUKO SA METRO AREA;
MAY INCOME NA, NAKATULONG KA PA!

Ulat Ni Manny Piñol, Kalihim ng Agrikultura

 

Sa mga pamilyang walang pinagkikitaan, mga kabataan na hindi nag-aaral at mga estudyanteng walang gagawin ngayong bakasyon, merong magandang hanapbuhay para sa Inyo.

Ang Department of Agriculture (DA) ay maglulunsad ng isang programa na naglalayong tulungan ang mga magniniyog ng bansa at makapagbigay hanapbuhay sa mga pamilyang walang pinagkikitaan sa Metro Manila, kasama na ang mga Out-Of-School Youth at mga estudyanteng walang pasok ngayong Summer.

Sa pagbubukas ng 2-araw na Summer Coco Festival bukas, ilulunsad din ang programang “Healthy Drink, Healthy Life,” isang marketing campaign para tangkilikin ng mga taga-siyudad ang Fresh Buko.

Ito ang patakaran sa ilalim ng programang ito:

1. Ang DA ay maglala-an ng Easy Access Credit Funding para sa mga kooperatiba o asosasyon ng mga magniniyog upang bilhin ang mga “Buko” mula sa kanilang mga miembro;

2. Ang nabiling mga “buko” ay ihahatid o hahakutin tungo sa isang consolidation area sa mga siyudad (i.e. Metro Manila or Metro Cebu) at doon ito lilinisin at tatapyasan ng balat;

3. Ang DA ay kikilala ng mga pamilya (2 bawat koponan), Out-of-School Youth (4 bawat koponan) or mga estudyante na walang pasok (4 bawat koponan) na syang maglalako ng “buko;”

4. Ang mga “Buko Salesmen” na ito ay pauutangin ng DA ng kapital na pambili ng gamit, tulad halimbawa ng “multi-cab” o maliit na cargo truck, at operating capital upang magkapag-umpisa ng negosyo;

5. Ang DA ay makikipag-ugnayan sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at sa mga pamahalaang lungsod sa Metro Manila at iba pang dako ng bansa upang payagan ang mga “Buko Salesmen” na makapagbenta sa mga bakanteng lugar ng lungsod.

6. Prayoridad sa pagbibigay ng pautang ang mga nagbebenta na ng “Buko’ ngayon na nangangailangan ng dagdag na kapital para makabili ng gamit tulad ng “multi-cab.”

7. Ang pautang ay manggagaling sa DA Agricultural Credit Policy Council (ACPC) at merong interes na 6% bawat taon.

Ang lahat po ng intresado sa programang ito ay hinihiling sa sumama bukas sa paglulunsad ng “Summer Coco Festival” sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture sa Elliptical Circle, Quezon City.

Magdala po ng kaukulang mga ID at location map ng inyong mga bahay o tirahan sa Metro Manila para madali ang ating validation sa pamamagitan ng Geo-Tagging Process.

Sa mga intresado sa probinsya, pakihintay po ang anunsyo kung kailan ilulunsad ang programa sa inyong mga lugar, tulad ng Cebu, Davao, Cagayan de Oro o Baguio City.

 

#KungGustoMaramingParaan!
#NeverStopThinkingImagining!
#NeverStopBelieving!
#ThereIsHopeBelieveMe!

(Article taken from the Official FB Page of DA Secretary Manny Piñol, and photo downloaded from public websites)

Back to Archives