Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya!

Kakulangan sa bigas, totoo ba?

Author: DA-AFID | 19 February 2018

(Opisyal na pahayag ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) hinggil sa usapin ng rice shortage sa bansa at ang kaakibat na importasyon nito)

Mainit na usapin ngayon kung bakit kailangang mag-angkat ng bigas ng Pilipinas gayong sinasabi naman na walang kakulangan ng bigas sa bansa.

Paano nga ba nakaapekto sa mga magsasaka ang pag-aangkat na gagawin sa mga susunod na buwan? Matatandaan na matagal na nating inaasam na maging self-sufficient sa bigas ang ating bansa. Ibig sabihin nito, kayang tugunan ng lokal na produksyon ang pambansang pangangailangan natin sa bigas. Sa madaling salita, hindi na kailangang mag-angkat pa ng bigas mula sa ibang bansa.

Ngayon naman ay isinusulong ang rice security at competitiveness. Ano nga ba ang kaibahan ng rice security at rice self-sufficiency, at ano ang kinalaman nito sa tinatawag na competitiveness?

Ang mga sumusunod na tanong at sagot ang magbibigay-liwanag sa mga konseptong ito.

  1. May kakulangan ba sa bigas ang bansa natin sa ngayon?

Base sa mga datos na nakalap ng PhilRice, walang rice shortage ngayong first quarter ng 2018. Una, natamo natin ang pinakamataas na produksyon sa kasaysayan ng bansa noong 2017 – 19.3 milyong toneladang palay. Katumbas nito ay 12.5 milyong toneladang bigas. Pangalawa, may carry-over stocks tayo na 2.7 milyong tonelada ng bigas ng pumasok tayo ng 2017. Idagdag pa dito ang naging importasyon natin nung 2017 na 900,000 tonelada o kulang isang milyong tonelada. Ibig sabihin nito, may kabuuang stock tayo ng 2017 na humigit kumulang na 16.2 milyong toneladang bigas.

Kung susuriin naman ang ating konsumo, umaabot halos ng 13.1 milyon tonelada ang ating kabuuang pangangailangan. Kasama na rito ang pagkain, binhi, raw material para sa pagproseso ng mga value-added products (tulad ng bihon), pati na ang mga pakain sa hayop, at mga wastage. Base ito sa assumption na ang bawat Pinoy ay kumakain ng kulang-kulang na 110 kilo kada taon at sa populasyon na 105 milyon.

Kung tama ang ating pagtataya, sa pagpasok ng taong 2018, dapat ay may carry-over stocks tayo na humigit-kumulang na 3 milyong tonelada. Sapat ito para sa 87 na araw.

Bukod pa rito, inaasahan din natin na may aanihin tayong 23% ng kabuang produksyon sa first quarter ng 2018. Kung kapantay nito ang produksyon natin noong nakaraang taon, madagdagan ulit ang stocks natin ng 2.9 milyon tonelada. Hindi pa kasali rito ang mga parating na importasyon ng pribadong sektor. Kaya kahit magamit pa ulit natin ang ating pangangailangan ngayon first quarter na humigit kumulang na 3.2 milyong tonelada, sapat pa rin ang ating bigas at may balanse pa tayo para naman sa second quarter.

  1. Kung hindi kulang ang bigas, bakit kailangan pa rin nating mag-angkat sa ibang bansa?

Kailangan nating maunawaan na ang pag-aangkat ay isang pamamaraan upang mapamahalaan natin ng maayos ang ating supply at demand ng bigas at maiwasan ang bigla-biglang pagtaas ng presyo. Una, tandaan natin na may seasonality ang ating produksyon: 23% sa 1st quarter, 21% sa 2nd quarter, 16% sa 3rd quarter, at 40% sa 4th quarter. Ang dagsa ng ating ani ay tuwing katapusan ng taon. Sa kabilang banda, hindi naman masyadong nagbabago ang ating demand kada quarter. Ibig sabihin, bumababa ang level ng ating stocks lalo na pagdating ng 3rd quarter o yung tinatawag na lean months. Kailangan ay may kumportable tayong level ng stocks pagdating ng 3rd quarter upang maiwasan ang pagtaas ng presyo. Dito importante ang tyempo o timing ng pagdating ng imported na bigas.

Ikalawa, may pagbabago tayo sa polisiya hinggil sa pandaigdigang kalakalan ng bigas. Wala ng kapangyarihan ang ating pamahalaan na magtakda ng volume ng importasyon o ang tinatawag na quantitative restriction. Ayon sa mga pinirmahan nating pandaigdigang kasunduan sa pakikipagkalakalan, dapat ng palitan ng taripa o buwis ang quantitative restriction. Kaya nga ina-amyendahan ang ating batas upang ito ay maisakatuparan. Ibig sabihin, mas malaya ng makakapasok ang imported na bigas basta mabayaran ang itinakdang taripa para rito.

Ayon sa pag-aaral ng PhilRice, ang halaga ng imported na bigas galing Vietnam (25% broken) ay halos P27/kg pagdating sa ating bansa kasama na ang taripa (35%) nito. At dahil mas mura ang mga imported na bigas kumpara sa lokal na produksyon, maraming mae-engganyo na mag-import dahil sa kanilang kikitain kung maibebenta ito sa kalakarang presyo na P40/kg. Sa kalaunan, kailangang bumaba ang presyo ng ating lokal na bigas upang makapagkumpetensya at maibenta.

Dito makikita na kailangang maging competitive ng ating mga magsasaka at ng buong industriya ng pagbibigas. Kaya ang isinusulong natin ngayon ay rice security.

  1. Ano nga ba ang rice security? Ano ang kaibahan nito sa self-sufficiency? At ano ang relasyon nito sa competitiveness.

Masasabi nating may rice security ang ating bansa kung ang bigas na mahusay ang kalidad at ligtas kainin ay may sapat na supply (available), madaling mabili sa mga suking tindahan (accessible), sa murang halaga (affordable), sa lahat ng panahon.

Sa self-sufficiency, maaring maging available at accessible ang lokal na bigas, pero kung mas mahal naman ito, nawawala ang elemento ng affordability.

Ayon sa ating pag-aaral, mas mahal ang bigas sa ating bansa dahil mataas ang gastos natin sa produksyon. Para makaprodyus ng isang kilong palay, gumagastos ang magsasakang Pinoy ng mahigit P12/kg samantala ang isang magasasaka sa Vietnam ay gumagastos lamang ng mahigit P6/kg. Ito ang dahilan kaya mahal din ang bilihan ng palay na umaabot sa P17/kg sa ating bansa. Sa Vietnam, ang isang kilong palay ay nagkakahalaga lamang ng P11/kg. At dahil kailangan ng 1.5 kg ng tuyong palay para makapag-prodyus ng 1 kg bigas, ang halaga ng raw material sa atin ay halos P26/kg, kumpara sa P17/kg ng Vietnam.

Nakakadagdag din sa mahal na bigas sa ating bansa ang magastos na transportasyon, at pagproseso tulad ng pagpapakiskis, pagpapatuyo, at packaging. Nakapagpapataas din sa presyo ang patong-patong na marketing layers, mula sa mga ahente, traders, millers, wholesalers, at retailers bago makarating ang bigas sa mga konsyumer o mamimili.

  1. Ano ang maari nating gawin upang maging competitive ang ating mga magsasaka at makamit ang rice security?

Kailangan nating pataasin ang ani kada ektarya at mapaliit ang gastos ng mga magsasaka. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng paggamit ng mataas na kalidad ng binhi tulad ng hybrid at mga certified inbred seeds. Kailangan din natin ng tamang crop management practices tulad na paglalagay ng akmang dami ng pataba sa tamang panahon pati na ang tamang pamamahala ng peste upang matamo ang mataas na ani. Magagamit natin dito ang Rice Crop Manager, isang application na na-develop ng DA, PhilRice, at IRRI.

Upang mapababa naman ang gastos, kailangan natin ang mekanisasyon. Napag-alaman natin na labor ang pinakasanhi ng mataas na gastos sa ating pagsasaka kumpara sa ibang mga kalapit-bansa. Makatutulong dito ang paggamit ng combine harvester, mechanical transplanter, at iba pang labor-saving techniques.

Ginagawa ng DA na maging accessible sa ating mga magsasaka ang mga teknolohiyang ito sa pamamagitan ng Production Loan Easy Access (PLEA).

Makakatulong naman sa pagpapababa ng marketing cost kung ang mga organisadong grupo ng magsasaka ay matututo na ring sumali sa pagnenegosyo ng bigas. Sa pamamagitan nito, mapaiikli natin ang daan mula palay sa bukid hanggang kanin sa hapag-kainan. Kikita na ang ating mga magsasaka sa value-adding, makikinabang pa ang ating mga konsyumer sa mas murang bigas. Kaya naman bukod sa mga production training, tinutulungan na rin natin ang mga grupo ng magsasaka na magkaroon ng kaalaman sa pagnenegosyo at pagpapalakas ng kanilang organisasyon.

 

Reference:

Dr. Flordeliza H. Bordey
Economist and Deputy Executive Director for Research
Philippine Rice Research Institute, Maligaya, Science City of Munoz, Nueva Ecija
(044) 456-0277 or 0285 loc. 130

Back to Archives