MANILA — Namangha ang mga magsasaka sa Barangay Kangkong sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat nang ipakita ng Department of Agriculture (DA) Region 12 ang modernong paraan ng pagtatanim ng palay noong nakaraang Miyerkules.
Tugon umano ang farming drone sa pagod at hirap ng mano-manong pagtatanim dahil mapabibilis nito ang trabaho ng mga magsasaka.
Kayang maglagay ng ilang kilo ng binhi sa drone, at ito na mismo ang magtatanim sa palayan sa gabay ng isang drone operator.
Ayon kay Ray Embajador, Regional Rice Program Coordinator ng DA Region 12, mula sa 5 oras na pagtatanim sa isang ektaryang palayan, magiging pitong minuto na lamang ito gamit ang drone.
“Kakaunti lang yung labor, precise yung tapon ng binhi kasi aerial, tapos efficient yung pagbigay niya ng binhi,” ani Embajador.
Aniya, may farming drone na rin ang ilang pribadong kumpanya. Target ngayon ng service provider ang mga irrigators association at mga farmers organization lalo’t aabot sa mahigit P700,000 ang halaga ng farming drone.
Ayon sa magsasakang si Melchor Tagle, malaking tulong ito para mapabilis at iwas-pagod ang pagtatanim ng palay. Pero kailangan muna nilang tingnan ang kapasidad ng drone, aniya.
“Titingnan muna natin ito nang ilang araw kasi ang mano-mano, makikita mo ‘yan ng 7 days ay lumalabas na ang seedlings ng palay,” sabi ni Tagle.
Ayon naman sa DA, patuloy ang kanilang paghahanap ng paraan para matulungan ang mga magsasaka at mapagaan ang kanilang trabaho. — ulat ni Hernel Tocmo
Source: https://news.abs-cbn.com/news/05/18/22/drone-gagamitin-sa-pagsasaka-sa-soccsksargen