Hindi lang po Pilipinas ang nagbabantay laban sa pagpasok ng African Swine Fever kundi pati na ang malalaking bansa tulad ng Estados Unidos.
Kamakailan lang may kinumpiska na shipment ng processed pork products sa Amerika na galing ng China.
Posible ding mangyari Ito sa atin at maaring masira ang P200-B hog industry ng Pilipinas.
Humihingi po kami ng tulong mula sa kapwa namin taga gobyerno, lalo na ang Bureau of Customs, na ipatupad ang mga memorandum tungkol sa pagbabawal ng shipment ng anumang produkto ng baboy, maski de lata o processed, mula sa mga sumusunod na bansa:
1. China, kasama na ang Hongkong at Macau at iba pang mga teritoryo into;
2. Vietnam at Cambodia sa Southeast Asia;
3. Belgium, Russia, Ukraine, Bulgaria, Hungary, Czech Republic, Latvia, Moldova, Poland at Mongolia sa Europe at Eastern Europe.
Sa mga umuuwing turista at manggagawang Pilipino, bawal po mag-uwi ng mga produktong karne ng baboy mula sa mga bansang ito.
Kukumpiskahin po ito sa Airport of Entry ninyo at pagbabayarin kayo ng multa na P200,000.
Hindi po ninyo puedeng ikatwiran na hindi ninyo alam sapagkat Agosto pa noong nakaraang taon ay nagpapalabas na ng impormasyon ang ating gobyerno patungkol sa isyu na ito.
Hindi din po puedeng makipagtalo sa Quarantine Officers at sasabihin na meron namang Maling sa supermarket kaya dapat hindi kayo harangin at kumpiskahan ng inyong pasalubong.
May cut-off date ang importation ng luncheon meat mula sa China at maaring ang mga binebenta ay hindi saklaw ng ban o maaring smuggled sapagkat alam ng Bureau of Customs na bawal ito ipasok sa bansa.
Mag-iimbistiga din ang Department of Agriculture, Bureau of Animal Industry Veterinary Quarantine Office at National Meat Inspection Service.
Hwag na po natin ipagpilitan ang baluktot na katwiran na hindi ninyo alam. Alam man ninyo o nabasa man ninyo o hindi, kapag sinita kayo ng Quarantine Officers sa airport, hinihiling po namin na sumunod kayo.
Sa mga nagsasabi na OFW ang tinatarget ng kampanya na ito, maling-mali po kayo.
Ang haba ng listahan ng mga dayuhan na nakumpiskahan ng mga bawal na dala ng karne.
Walang kinikilala ang kampanya na ito, mahirap o mayaman, Pilipino o foreigner at hindi na po uso ang palakasan.
Para po sa kaalaman ninyo, noong nakaraang taon, nagtampo sa akin ang mga kaibigan ko kasi pinapatay ko ang mga imported manok na pansabong na nagkakahalaga ng milyon-milyon dahil kulang ng papeles.
Doon sa mga nagsasabi na kaya lang hinaharang ang mga shipment dahil gusto magkapera ng mga tauhan ko sa airport, masyado nyo naman kami ini-insulto at minamaliit.
Kung gusto naming mangurakot sa gobyerno, hindi Maling na de lata ang titirahin namin. Maraming malalaking transaksyon pero hindi kami sumasawsaw dyan.
Iba na ang gobyerno ngayon sa ilalim ni Pangulong Rody Duterte at alam namin na ipapahiya at tatanggalin kami ng Pangulo kung gagawin namin iyan.
Sana po maintindihan ninyo ang ginagawa namin.
Mahirap po ang trabaho ng mga Quarantine Officers, 24 Oras, at sana po makipagtulungan kayo.
Para po ito sa kapakanan ng lahat.
Salamat po.
Manny Piñol
Secretary of Agriculture
(Article taken from the Official Facebook Page of DA Secretary Manny Piñol)