Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya!

FROM GMA NEWS: PCG, BFAR, hinikayat ang mga mangingisdang Pinoy na patuloy na mangisda sa West Philippine Sea

Author: DA Press Office | 3 June 2022

Hinikayat ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga mangingisdang Filipino na patuloy na pumalot sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas sa kabila ng ipinatutupad na fishing ban ng China sa halos buong South China Sea.

Sa website ng Chinese Ministry on Agriculture and Rural Affairs inanunsyo ng China ang fishing ban na nagsimula nitong Mayo hanggang Agosto 16.

Sinakop ng fishing ban ang mga lugar sa karagatan na pasok sa EEZ o exclusive economic zone ng Pilipinas, pati na ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

Naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas laban naturang sa fishing ban ng China.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Admiral Artemio Abu, Commandant ng PCG, na malaya pa rin na makakapangisda sa mga karagatang sakop ng Pilipinas ang mga mangingisdang Pinoy kahit isinama ito ng China sa kanilang fishing ban.

“Lahat ng ahensiya ng pamahalaan ang BFAR, ang Navy, of course the Coast Guard nandyan po kami para hikayatin ang ating mga kababayang mangingisda na maging malaya sila na mangisda doon sa lugar na masasabi natin sa atin, teritoryo natin yon,” anang opisyal.

Sa text message naman ni BFAR National Director Eduardo Gongona, sinabi niya na patuloy silang nagpapatrolya at ang PCG sa mga lugar na sakop ng Pilipinas.

“PCG and BFAR will be there on visibility patrol primarily to take care of our fishermen, the fishing vessel and the environment. We are still on open fishing season so we advise out fishermen to go out and fish. We should be optimizing catching the catchable fish in our waters,” ayon kay Gongona.

Inihayag naman ni Prof. Rommel Banlaoi, political scientist/security analyst, na hindi dapat kilalanin ng Pilipinas at mga mangingisdang Pinoy ang naturang fishing ban ng China.

“Testing waters ito eh. Kung nag-comply tayo sa fishing ban, wow, okey so magkakaroon ng customary law na ‘yan. Magiging parang practice na ‘yan ng China. Pero kung icha-challenge natin yung fishing ban, so let’s see how China will react to it,” ani Banlaoi.

“We need to challenge it for the sake of our sovereignty and sovereign rights,” dagdag pa niya. —FRJ, GMA News

Source: https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/833579/ilang-opisyal-na-itinalaga-ni-duterte-di-nakalusot-sa-ca/story/

Back to Archives